10 Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa PANGINOON at sa tulong ng dakilang kapangyarihan NIYA.
11 Isuot ninyo ang baluting kaloob ng DIYOS, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo.12 Sapagkat ang kalaban nati'y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga taga pamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito- ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya't isuot ninyo ang baluting mula sa DIYOS. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo.
14 Kaya't maging handa kayo: gawin niyong bigkis ang katotohanan, itakip sa dibdib ang baluti ng pagkamatuwid. 15at isuot ang panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos. 16Taglayin ninyong lagi ang kalasag ng pananalig kay Cristo, bilang panangga't pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng masama. 17 Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan , at kunin ninyo ang tabak na kaloob ng Espiritu, samakatuwid, ang Salita ng DIYOS. 18 Ang lahat ng ito'y gawin ninyo sa pamamagitan ng mga panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Kaya't lagi kayong maging handa, at manalangin para sa lahat ng hinirang ng DIYOS.
No comments:
Post a Comment